Gabay ng Caregiver sa Mga Gamot at Pagtanda (Caregiver’s Guide to Medications and Aging)
Mga Gamot: Isang Spada na Doble ang Talim
“Anumang sintomas ng isang nakatatandang pasyente ay dapat na isaalang-alang bilang isang side effect ng gamot hangga’t napatunayan na iba ang dahilan.”
Brown University Long-term Care Quality Letter, 1995
Ang mga makabagong gamot ay nakapag-ambag sa mahabang buhay, mahusay na kalusugan, at sa mas malawak na pag-unlad ng kalidad ng pamumuhay. Ang mga gamot ay ang pinakakaraniwang paraan sa paggagamot ng maraming mga karamdaman at kondisyon na nakikita sa mas nakatatanda at mga taong may kapansanan. Ang mga gamot ngayon ay hindi lamang gumagamot at lumulunas sa mga sakit dating hindi nagagamot, ang mga ito ay tumutulong sa maagang diagnosis ng sakit; naiiwasan ang mga sakit na nakamamatay; naiibsan ang pananakit at pagdurusa; at pinapahintulutan ang mga taong may nakamamatay na sakit na mabuhay nang mas komportable sa huling mga araw nito.
Gayunman, para sa mas mga nakatatanda at mga taong may kapansanan, ang mga medikasyon—mga reseta, over-the-counter, social drugs tulad ng alcohol, at mga herbal remedy/alternatibong gamot—ay maaaring maturing na parehong may mabuti at masamang resulta. Kapag hindi wasto ang paggamit, hindi ganap, at hindi sa ligtas na paraan, ang mga gamot ay maaaring magdulot ng masasamang resulta.
Ang mga pagbabago na maaaring maganap sa pagtanda at kapag may kapansanan ay nagpapalaki sa posibilidad na magdusa mula sa mga medication-related problems (MRPs). Gayunpaman, ipinapakita sa mga pananaliksik na ang mga problema na may kinalaman sa medikasyon o gamot ay madalas na naiiwasan. Ang mga caregiver ay may napakahalagang tungkulin na makatulong na kilalanin kung kailan nagaganap ang isang aktuwal o posibleng MRP. Ang tulong na ito ay makakatulong na maiwasan ang mahal at hindi ginustong mga negatibong kinahinatnan ng paggamit ng gamot, tulad ng pagpasok sa acute care na mga ospital, mga assisted living facility, o mga nursing home. Halos isang malaking bahagi ng lahat ng mga pagpasok sa nursing home ay bahagyang sanhi ng kawalan ng kakayahan na gamitin nang wasto ang medikasyon.
Ipinapakita sa pananaliksik na ang mataas na porsiyento ng mga caregiver ay tumutulong sa kanilang mga kaibigan o kamag-anak na pamahalaan ang mga gamot. Ang mga caregiver para sa mga taong may Alzheimer’s disease at iba pang mga kahinaan ng memorya ay karaniwang nag-uulat ng mga problema sa pagkuha sa oras ng gamot ng kanilang kamag-anak o kaibigan, na nasa wastong dosis, at tulad nang inutos kung paano ito gamitin. Sa mga survey, madalas na inuulat na ang kanilang kaalaman sa mga gamot ng kanilang mga mahal sa buhay—ang mga nilalayong gamit, mga tagubilin sa paggamit, mga side effect, mga posibleng interaksyon—ay mas malaki kaysa sa pag-aalaga mismo.
Kapag ang mga pasyente, caregiver, doktor at pharmacist ay nagkakaisa bilang isang pangkat, ang mga problema na may kinalaman sa gamot ay maiiwasan, na nakakapag-ambag sa mas magagandang kalalabasan at napahusay na paggana sa araw-araw na pamumuhay. Ang fact sheet na ito ay nagsisilbi bilang gabay sa caregiver sa paggamit ng medikasyon at nagbibigay ng mga tip kung ano ang dapat gawin tungkol sa mga hamon sa nasabing paggamit.
Mga Tanong Tungkol sa Mga Gamot para sa Mga Manggagamot at Pharmacist
Ang isang responsibilidad ng mga pasyente at ng mga caregiver sa ang lubusang paghahanda para sa mga medikal na pagbisita. Bago ang mga pagbisita, isulat ang lahat na nais ninyong pag-usapan, kasama ang mahahalagang tanong na may kaugnayan sa mga gamot. Magtala habang isinasagawa ang mga pagbisita, at suriing muli ang mga tala pagkatapos ng pagbisita. Maaaring mayroon kayong mga karagdagang tanong para sa mga doktor at pharmacist, tulad ng:
- Bakit inireseta ang gamot?
- Paano gumagana ang gamot sa aking katawan?
- Ano ang maaasahan kong mararamdaman sa sandaling sinimulan kong gamitin ang gamot na ito?
- Paano ko malaman kung aling mga gamot ang gumagana? Mayroon bang karaniwang takdang panahon kung saan gagaling na ang aking mga sintomas?
- Gaano katagal bago ko gamitin ang gamot? Kailangan ko ba ng refill kapag naubos ko na ang gamot sa ilalim ng resetang ito?
- Ang gamot bang ito ay may epekto sa iba pang mga gamot—reseta at walang reseta—na ginagamit ko ngayon?
- Dapat ko bang gamitin ang gamot na ito kasabay ang pagkain? May anumang mga pagkain o inumin na dapat kong iwasan? (Ang grapefruit, halimbawa, ay maaaring makasagabal sa paggana ng ilang mga gamot.) Ligtas bang uminom ng alak habang gumagamit ng gamot na ito?
- Mayroon bang anumang mga gawain na dapat kong iwasan habang ginagamit ang gamot na ito?
- Ang gamot bang ito ay maaaring nguyain, durugin, tunawin, o ihalo sa iba pang mga gamot?
- Ano ang mga posibleng problema na maaari kong maranasan sa gamot na ito? Paano ko maiiwasan na mangyari ang mga problemang ito? Hanggang sa anong punto ko dapat na i-ulat ang mga problema sa gamot na ito?
- Ano ang dapat kong gawin kung makaligtaan ko ang isang dosis ng gamot na ito, o masyado marami ang magamit?
- Ano ang halaga ng gamot na inireseta? Mayroon bang hindi masyado mahal na alternatibong reseta?
- Mayroon bang generic na ganitong gamot? Kung mayroon, dapat ba akong bumili ng generic sa halip na may tatak na gamot?
- May nakasulat ba kayong impormasyon tungkol sa gamot na mauuwi ko?
- Ang pharmacy ba ay nagkakaloob ng mga espesyal na serbisyo tulad ng pagde-delivery sa bahay o komprehensibong pagrerepaso sa gamot at pagpapayo?
Paano Kayo Matutulungan ng Pharmacist
Ang matatanda, mga taong may kapansanan, at caregiver ay maaaring makaharap sa mga hamon habang gumagamit ng mga gamot. Ang paglulutas sa mga problemang ito ay maaaring humantong sa mas magagandang mga resulta mula sa mga gamot. Dapat na ipagpa-alam ng mga mamimili at caregiver ang kanilang mga doktor at pharmacist sa anumang mga kahirapan nila sa paggamit ng mga gamot, kabilang ang mga sumusunod:
- Memorya: Ang kahirapan na maalala na gamitin ang mga gamot. Ang pharmacist ay maaaring magkaloob ng iba’t ibang mga espesyal na pill box o iba pang mga pantulong na magpapaalala sa caregiver at senior na uminom o kunin ang gamot. Ang mga device ay nag-iiba iba mula sa low-tech, hanggang sa mga simpleng container na may mga lalagyan na may mga etiketa para sa mga pagkain at oras ng pagtulog, hanggang sa high-tech, tulad ng mga container na may beep na tunog kapag oras na para sa dosis, o isang espesyal na bottle cap na binibilang ang mga pagbukas ng bote ng iniresetang gamot para masabi kung ang nainom o nakuha na ang dosis. Para doon sa may mga matitinding kahinaan sa memorya, ang mga caregiver ay ang susi sa wastong pangangasiwa ng lahat ng mga gamot. Dagdag pa dito, ang ilang mga organisasyon ng serbisyong may kaugnayan sa pagtatanda ay naghahandog ng paalala sa pagkuha ng gamot sa pamamagitan ng mga tawag sa telepono para sa mga mas nakatatanda na may mga problema sa ala-ala o memorya.
- Paningin: Kahirapan sa pagbabasa ng mga etiketa sa mga reseta at mga over the counter na produkto. Maaaring magkaloob ang mga pharmacist ng mga etiketa sa reseta na may malalaking letra. Ang mga tagapag-bigay ng pangangalaga ng kalusugan at mga caregiver ay maaaring magbasa ng impormasyon sa mga over-the-counter na produkto para sa mga mamimili na may kahirapan sa paningin. Ang mga magnifying glass ay maaari rin makatulong.
- Pandinig: Mga tagubilin sa may mga kahirapan makarinig mula sa mga propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan. Hilingin sa mga doktor, nars, at pharmacist na magsalita nang mas malakas at/o isulat ang mahahalang impormasyon na may kaugnayan sa ligtas na paggamit ng mga gamot. Ang mga caregiver ay maaari rin maging “mga tainga” ng mga senior na may mga kahinaan sa pandinig.
- Dexterity: Kahirapan sa pagbubukas ng mga bote, kakulangan ng kakayahan na hatiin ang mga tableta, mga problema sa pangangasiwa ng mga gamot tulad ng eye drops, mga inhaler para sa hika at iba pang mga sakit sa baga, at mga iniksyon ng insulin. Ang mga problemang ito ay karaniwan sa mga taong may arthritis at ilang mga klase ng kapansanan. Mayroong mga malalaki at madaling buksan na mga takip ng bote para sa mga inireresetang gamot. Kung ang dosis ng reseta ay kalahating tableta, maaaring hatiin ng pharmacist ang mga tableta para sa inyo. Mahalaga ang mga caregiver sa pagtutulong sa pangangasiwa ng mga eye drops, mga sinisinghot na gamot, mga iniksyon, at iba pang mga uri ng dosis na kailangan ang fine motor skills. At minsan pa, ang mga pharmacy ay makakapagkaloob ng mga papel na may tagubilin sa pamamahala ng mga gamot.
- Paglulunok: Kahirapan sa paglulunok ng mga tableta o mga capsule. Maraming mga reseta at mga over-the-counter na produkto na nakukuha sa iba’t ibang uri ng mga dosis tulad ng likido, skin patch, o suppository, na malaki ang naitulong para bawasan ang kahirapan kaugnay sa paglunok. Magtanong sa inyong pharmacist tungkol sa mga alternatibong uri ng dosis.
- Pagpaplano sa talakdaan: Ang pag-takda ng maraming iba’t-ibang mga gamot sa buong araw. Ang isa sa pinakamalaking hamon para sa mga mas nakakatanda at caregiver ay ang pagtatakda ng oras sa pag-inom ng gamot para maisama sa mga pang-araw araw na gawain. Ang mga espesyal na pill box at iba pang mga pantulong, tulad nang inilarawan sa itaas, ay makakatulong. Mahalagang ang mga mas nakakatanda at ang mga caregiver ay bumuo ng isang plano para sa pamamahala ng gamot na angkop sa kaniyang pang-araw araw na gawain. Halimbawa, ang mga oras ng pagkain o oras ng pagtulog ay maaaring gamitin bilang mga cue para sa pag-schedule ng gamot kung ang mga oras ng pagkain at oras ng pagtulog ay regular na naka-takda. Ang mga doktor at pharmacist ay makakatulong sa pag-buo ng isang plano para pinaka-angkop sa inyong pang-araw araw na gawain.
Masyadong Maraming Mga Gamot
Ang isang pinakakaraniwang problema na nauugnay sa paggamit ng gamot sa mas nakakatandang mga tao at karamihan sa may kapansanan ay ang paggamit ng maraming mga uri ng gamot nang sabay-sabay, at tinutukoy rin bilang “polypharmacy.” Napakita sa mga pananaliksik na mas maraming mga gamot ang gamitin ng isang tao, mas mataas ang panganib na magkaroon ng problema na may kinalaman sa gamot. Para sa mas maraming nakatatandang mga tao, pamantayan na ang maraming mga gamot. Maraming mga talamak na kondisyon o sakit—diabetes, sakit sa puso, Parkinson’s disease, arthritis, incontinence, mataas na presyon ng dugo, pulmonary disease, osteoporosis, Alzheimer’s disease—ay madalas na kailangan ang paggamit ng maraming mga gamot. Ang pagtutok ay dapat sa pagkaka-angkop, bisa, at kaligtasan ng lahat ng mga reseta at over-the-counter na gamot. Ang mga caregiver ay dapat magtanong tungkol sa bawat isang gamot, tulad ng:
- Ang gamot na ito ay kailangan ba talaga?
- Ang gamot ba ang pinaka-angkop para sa medikal na kondisyon na ginagamot?
- Ang gamot ba ay magiging isang problema sa iba pang mga medikal na kondisyon na nararanasan sa kasalukuyan?
- Tama ba ang dosis ng gamot na inirereseta?
- Ang gamot ba ay nakaka-apekto sa iba pang mga gamot?
- Ang gamot ba ay nagagamit nang wasto batay sa mga tiyak na katayuan ng pasyente?
Ang ilan sa mga hamon na hinaharap ng mga caregiver na dapat na maghalo-halo ng iba’t ibang mga gamot para sa kanilang mga mahal sa buhay ay kinabibilangan pananatiling puno ang lahat ng mga reseta, lalo na kapag Sabado’t Linggo at mga piyesta opisyal, at pamamahala sa mga gamot na inireseta ng maraming mga doktor. Ang maagang pagpa-plano para mapunan ang reseta ay napakahalaga; ang pagtatabi ng isang up-to-date na rekord ng gamot ay maaaring makapagbigay impormasyon sa mga doktor sa lahat nireseta ng ibang doktor. Ang “Caregiver’s Notebook”—isang looseleaf binder na tinatabi ng isang caregiver—ay isang ideal na paraan para makapaglikom ng impormasyon sa mga medikal na diagnosis, mga appointment sa doktor, mga tanong, at medikal na kasaysayan. Makipag-usap sa inyong primary care provider (PCP) bago magsagawa ng anumang mga pagbabago sa gamot.
Pag-iiwas sa Mga Problema na may Kinalaman sa Gamot
Isang mahalagang hakbang para maiwasan ang mga problema ay maunawaan ng mga propesyonal sa pangangalaga ng kalusugan, mga mamimili at mga caregiver kung ano ang mga problema na may kinalaman sa gamot, makilala ang mga senyas at sintomas ng aktuwal at posibleng mga MRP, at kilalanin ang naaangkop na mga hakbang na magagawa para mabawasan ang mga pangyayari ng mga karaniwan at magastos na mga problemang ito.
Mahalagang tandaan na ang mga epekto ng gamot ay direktang makaka-apekto sa pang-araw araw na pagkilos ng mga mas nakatatanda at mga may kapansanan. Ang mga epekto o “sintomas” ng mga MRP ay maaaring kabilang ang:
- Sobrang pagka-antok
- pagkalito
- depression
- deliryo
- Hindi makatulog o insomnia
- mga sintomas na tila Parkinson’s
- hindi mapigil na pag-ihi o pagdumi
- panghihina ng kalamnan
- kawalan ng ganang kumain
- mga pagkahulog at pagkabali ng buto
- mga pagbabago sa pananalita at memorya
Kapag nakita ang mga sintomas na ito, dapat na isaalang-alang bilang “red flag” ang mga ito ng mga caregiver na maaaring may nagaganap na MRP.
Pangangailangan ng Bagong Gamot
Ang problema na may kinalaman sa gamot ay nangyayari kapag ang isang tao ay may medikal na kondisyon na hinihiling ang isang bago o karagdagang gamot, pero walang ipinagkaloob nito. Ang mga halimbawa sa mga mas nakakatanda at may kapansanang populasyon ay kinabibilangan ng sakit at depression, na madalas na hindi nada-diagnose, kulang ang paggagamot, o di nagagamot. Ang mga kondisyong ito ay madalas na tinuturing ng ilang mga propesyonal sa pangangalaga ng kalusugan bilang “normal na bahagi ng pagtanda.” Ang hindi sapat na paggagamot para sa sakit at depression ay maaaring humantong sa mga pagbaba sa pagkilos o paggana at hindi masyado pakikisali sa mga gawaing pakikisalimuha.
Ang mga matatanda ay madalas na hindi tinatalakay ang lahat ng kanilang mga sintomas sa propesyonal tagapangangalaga ng kalusugan; maraming mga propesyonal sa pangangalaga ng kalusugan ang hindi sapat na sinusuri ang lahat ng posibleng mga sakit at kondisyon. Ang wastong pagsusuri ng mga propesyonal sa pangangalaga ng kalusugan ay mahalaga para ang nasabing mga sintomas ay makilala at masimulan ang wastong paggagamot. Ang mga matatanda at ang kanilang mga tagapag-alaga ay dapat na komportable rin na talakayin ang kanilang mga sintomas–gaano man kasensitibo ito–sa mga propesyonal sa pangangalaga ng kalusugan.
Hindi Kinakailangang Gamot
Ang problemang ito na may kinalaman sa gamot ay nagaganap kapag ang isang pasyente ay gumagamit ng gamot na hindi kinakailangan para sa mga kasalukuyang medikal na problema ng pasyente–hal. wala nang balidong dahilan para gamitin ang gamot. Dagdag pa dito, kung ang pasyente ay nakatanggap ng kombinasyon na therapy kapag ang nag-iisang gamot ay pareho rin ang bisa, sa gayon ang pasyente ay tumatanggap ng di kinakailangang gamot. Ang mga pasyente na nalalantad sa di kinakailangang mga gamot ay maaaring makaranas ng mga nakakalason na epekto. Ang halaga ng hindi kinakailangang gamot ay dapat rin isaalang-alng, lalo na para sa maraming mga senior na may limitadong kita.
Maling Gamot
Ang problemang ito na may kinalaman sa gamot ay nagaganap kung saan ang isang taong may medikal na kondisyon ay gumamit ang maling gamot. Kapag ang isang pasyente ay hindi nakakaranas ng nilalayon na mga positibong kinalabasan mula sa ilang gamot, sa gayon ang maling gamot ay maaaring naireseta. Ang mga halimbawa ay kinabibilangan ng di naaangkop na uri ng dosis; isang kondisyon na di tinatalaban ng gamot; ang gamot ay hindi para sa kondisyon na ginagamot; o isang mas mabisang gamot ay handang magamit. Ang mga pasyente at ang mga caregiver nito ay dapat mayroong malinaw na pag-uunawa kung ano ang dapat maasahan—at kung kailan ito dapat asahan—kapag gumagamit ng mga gamot. Kapag ang resulta ay iba, dapat makipag-ugnayan sa doktor para ipaalam sa kaniya ang situwasyon.
Masyado Mababa ang Dosis
Ang ganitong uri ng MRP ay nangyayari kapag ang pasyente ay may medikal na kondisyon kung saan masyado kakaunti ng tamang gamot ang naireseta o masyado kaunti ang nagamit. Ang mga dosis ng gamot ay makokonsiderang masyado mababa kung ang pasyente ay may naaangkop na indikasyon para sa isang gamot, ay hindi nakakaranas ng anumang mga side effect mula sa gamot, hindi pa alam ang ninanais na benepisyo. Kapag inireseta ang wastong gamot at ang dosis ay masyado mababa, ang mga benepisyo ng gamot ay maaaring kakaunti lang o halos wala, at maaaring magresulta sa isang malubhang di kanais-nais na mga epekto sadya ng di mainam na paggagamot. Basta’t ayusin lang ang dosis at/o pagitan ng pagkuha ng dosis ay maaaring magpahusay sa mga kalalabasan o klinikal na resulta. At minsan pa, ang mga pasyente at ang kanilang mga caregiver ay dapat mayroong malinaw na pag-uunawa kung ano dapat ang asahan mula sa kanilang mga gamot.
Masyado Mataas ang Dosis
Marahil na ang pinakakaraniwang mga problema na may kaugnayan sa gamot sa mga mas nakatatanda ay kapag ang wastong gamot ay naireseta, pero masyado mataas ang dosis. Ang MRP na ito ay madalas na nagaganap sa mas matatanda dahil ang mga pisikal na pagbabago sa pagtanda ay maaaring makapagbago sa paraan kung paano nagpoproseso ang ating katawan at paano tumutugon sa mga gamot. Halimbawa, sa isang tumatandang katawan, ang atay at mga bato ay maaaring hindi makaalis ng mga gamot. Dagdag pa dito, ang mga pagbabago sa distribusyon ng taba at kalamnan ay maaaring gawing mas madaling mahawahan sa mga salungat na pangyayari sanhi ng gamot.
Ang mga pagbabagong ito ay nagpapataas sa sensibilidad ng mas nakatatanda sa isang posibleng salungat na epekto. Ang “normal na dosis” ng gamot ay maaaring isang overdose para sa karamihang mga mas nakatatanda. Gayunman, ang ilang mga gamot, ay ginagamit sa parehong mga dosis para sa parehong mas nakatatanda at mas mababang edad. Ang mga gamot na kumikilos sa central nervous system (CNS) ay lalo nang maproblema dahil ang mga mas nakatatanda ay lubos na sensitibo sa mga salungat na epekto ng mga gamot na ito. Ang mga halimbawa ay kinabibilangan ng mga antidepressant, sedatives, antipsychotics, at ilan pang mga gamot para sa presyon ng dugo. Ang mga hudyat na ang dosis ay maaaring masyado mataas ay kinabibilangan ng pagkahilo, pagkalito, pagde-deliryo, insomnia, mga sintomas na tila Parkinson’s, kawalan ng ganang kumain, pagkahulog, at mga pagbabago sa memorya.
Kung naniniwala kayo na ang dosis ay maaaring masyado mababa o masyado mataas, o kung nababahala kayo sa anumang mga problema na may kinalaman sa gamot, makipag-ugnayan sa inyong primary care provider (PCP) at pharmacist bago ayusin ang (mga) gamot.
Adverse Drug Reactions (ADRs)
Nagaganap ang mga ADR kapag ang isang pasyente ay nakakatanggap ng gamot na ikinokonsiderang hindi ligtas batay sa:
- mga katangian ng pasyente
- isang allergic reaction sa gamot
- isang interaksyon sa iba pang gamot o pagkain
- ang hindi wastong pamamahala ng gamot
- tumaas o humina bigla ang dosis ng gamot
Ang mga interaksyon ng gamot ay makapagdudulot ng hindi komportable o mapanganib na mga adverse effect. Ang isang lubos na karaniwang interaksyon ng gamot ay kinabibilangan ng blood-thinning na mga gamot na nagpapanipis sa dugo nang higit pa lalo na kapag isinama sa aspirin at iba pang mga pain reliever Bago magreseta ng anumang bagong gamot, dapat na alam ng doktor ang lahat ng iba pang mga droga na maaaring ginagamit ng pasyente.
Kabiguan na Tumanggap ng Mga Gamot
Para maging ligtas ang mga gamot at maging mabisa ang mga ito, dapat na gamitin ayon sa tiyak na dosis, at sa tiyak na mga oras, at sa loob ng tiniyak na tagal ng panahon. Maraming mga dahilan kung bakit hindi nakakatanggap ang mga pasyente ng gamot tulad nang inireseta. Ang isang pasyente, halimbawa, ay maaaring isipin na ang gamot ay nagdulot o magdudulot ng ilang adverse event, ay nalilito kung bakit at paano gagamitin ang gamot, o nararamdaman na hindi madali na gamitin ang gamot.
Ang mataas na mga halaga ng gamot at ang limitadong sakop ng mga inireresetang gamot sa publiko at pribadong insurance na pangkalusugan ay mga pangunahing dahilan kung bakit hindi ginagamit ng mga tao ang kanilang mga gamot. Ang paggamit ng mga generic na gamot, kung mayroon nito, ay nakakatulong na mabawasan ang mga gastusin na galing sa sariling bulsa. Ang maraming mga pharmaceutical na kompanya ay nagkakaloob ng mga libreng gamot o mga espesyal na diskuwento sa mga taong mababa ang kinikita. Tumawag para malaman ang pinakamababang presyo; maraming mga parmasya ang tutumbas sa mga presyo ng kanilang mga kalaban. Humingi ng mga sample mula sa inyong doktor.
Ang ilang mga estado ay naghahandog ng pharmaceutical assistance program para sa mga mababang kita na matanda na hindi karapat-dapat para sa Medicaid. Maaaring tumulong ang mga pharmacist sa mga matatanda na nakakakuha ng mga gamot sa pamamagitan ng mga programang ito. (Mga Food Stamp at rental assistance ay makakatulong rin sa pamamagitan ng pagkakaloob ng dagdag na magagamit na pera para sa mga gamot). Ang mga pagbabago sa outpatient prescription drug benefit sa Medicare na nagsimula noong 2006 ay maaari rin magkaloob ng tulong sa ilang mga gastusin sa gamot para sa ilang mga mas nakatatanda.
Ang salitang “Natural” Ay Hindi Nangangahulugan na Ligtas at Mabisa
Ang pagbebenta ng mga herbal na produkto sa Estados Unidos ay lubos na walang regulasyon. Ang mga kompanya na nagbebenta ng mga produktong ito ay hindi kinakailangang magpatunay sa kaligtasan at bisa ng mga ito. Ang ilang mga herbal na sangkap ay hindi nakalista sa packaging o maaaring di kumpleto o hindi wasto ang listahan, kaya’t dapat ay alam ninyo kung ano ang ginagamit ninyo. Kahit na ang ilang mga herbal at ibang mga natural na produkto ay maaaring makapakinabangan sa ilang mga pangyayari, ang mga ito ay may malaki at minsan ay hindi maaasahang mga side effect. Ang maraming mga herbal ay nakaka-apekto rin sa mga inireseta at over-the-counter na mga gamot. Halimbawa, ang gingko biloba, na madalas na ginagamit para sa kawalan ng memorya, ay maaaring maka-apekto sa mga blood thinner, mga gamot sa mataas na presyon ng dugo, at ilang mga pain reliever tulad ng ibuprofen at naproxen. Para maiwasan ang mga problema sa mga herbal na gamot, kausapin ang inyong doktor o pharmacist tungkol sa anumang gma herbal na ginagamit o kinokonsidera ninyong gamitin.
Ang mga Pangunahing Ligtas na Paggamit ng Gamot
- Magtabi ng bagong listahan ng lahat ng mga gamot, para sa inyong sarili at para sa taong inaalagaan ninyo. Itabi ang mga listahan na ito parati (i-click dito para makapag-download ng sample ng Medication Record Form). Magsama ng mga iniresetang gamot, mga over-the-counter na gamot, mga bitamina, iba pang mga nutritional na produkto, at mga herbal na gamot sa listahan. Ibahagi ang listahan na ito sa inyong mga doktor o sa mga doktor ng taong inaalagaan ninyo.
- Ang ilang mga caregiver ay kailangang maghanda at mamahala ng mga iniiniksyon na gamot, tulad ng insulin. Kabilang sa mga iniksyon ang paggamit ng hiringgilya at karayom, na maaaring itusok sa ilalim ng balat o sa ugat o kalamnan. Tiyakin na nauunawaan ninyo at komportable kayo sa paghahanda ng wastong dosis at pamamahala ng iniksyon. Ang mga nars sa mga opisina ng doktor at pharmacist ay maaari at dapat na iutos sa inyo ang wastong mga pamamaraan para sa mga iniiniksyon na gamot.
- Itabi ang lahat ng inyong mga gamot sa natalagang lokasyon sa inyong tahanan. Itabi ang lahat ng mga gamot na sama-sama sa iisang lugar maliban kung kailangang nakalagay sa refrigerator nito o nakalagay sa etiketa na “store in a cool place.” Ito ay makakatulong kung may maganap na emergency na situwasyon at kailangang pag-aralan ng inyong doktor ang lahat ng inyong mga gamot.
- Tiyakin na ang inyong mga gamot ay nakatabi nang hindi naaabot ng mga bata na maaaring bumisita, lalo na kung ang mga container ninyo ay child-proof. Kung kayo ay nag-aalaga sa isang taong may cognitive o memory na problema, tiyakin na ang lahat ng mga gamot ay ligtas na nakatabi.
- Huwag ipaghalo-halo ang iba’t ibang mga gamot at ilagay nang sama-sama sa iisang container; magiging mahirap na kilalanin ang inyong mga gamot sa isang emergency.
- Ang mga gamot ay dapat na itabi sa isang malamig at tuyong lugar. Huwag itabi ang inyong mga gamot sa medicine cabinet sa banyo o sa kusina dahil ang init at moisture ay maaaring maging sanhi ng pagkakasira o pagkakalusaw nito. Sa halip, itabi ang inyong mga gamot sa isang natalagang area sa inyong kuwarto, dining room, o sala.
- Ang mga gamot na nakatabi sa refrigerator ay dapat na ihiwalay mula sa iba pang mga item sa refrigerator. Ikonsidera na itabi ang mga refrigerated na gamot sa isang plastic na kahon o container sa isang hindi pabago-bagong lokasyon sa refrigerator.
- Ang mga gamot na iniinom ay dapat itabi nang hiwalay mula sa iba pang mga item na external (panlabas) na gamit lang, tulad ng mga cream at ointment.
- Ang mga expired nang gamot (may expiration dates sa lahat ng inyong gma gamot) at ang anumang gamot na hindi na pinagpapatuloy ng inyong doktor ay dapat itapon.
- Huwag kailanman ibahagi o ibigay ang inyong mga gamot sa ibang tao.
Pamamahagi ng Responsibilidad
Ang sakop at kalubhaan ng mga problema na maaaring maganap sa therapy sa pamamagitan ng gamot ay napakalaki. Para maiwasan ang mga problemang ito na mangyari, ang mga consumer at caregiver, at pati na rin ang kanilang mga propesyonal sa pangangalaga ng kalsuguan, ay may responsibilidad na tiyakin ang angkop, ligtas, at mabisang paggamit ng gamot. Ang lahat ng mga propesyonal na kasangkot sa pagrereseta at pagbibigay—at pati na rin ang consumer at caregiver—ay dapat ikonsidera ang kanilang sarili bilang mahahalagang miyembro ng team sa pangangalaga ng kalusugan. Ang consumer o caregiver na nagbibigay alerto sa kanilang doktor o nars para sa pangangailangan na baguhin ang therapy ng gamot ay may mahalagang tungkulin sa pagkukuha ng pinakamabuting paggagamot.
Ang mga responsbilidad ng consumer at caregiver ay nakatuon sa mabisang komunikasyon sa pangkat para sa pangangalaga ng kalusugan. Kabilang dito ang pagpapakita ng aktuwal o posibleng mga problema na may kinalaman sa gamot sa oras sa mga propesyonal sa pangangalaga ng kalusugan, at paglalahok sa paglulutas ng mga problema. Bago mangyari ito, ang mga consumer at caregiver ay dapat na kilalanin ang posibleng mga hudyat at sintomas ng problema na may kinalaman sa gamot. Para sa mga mas nakatatandang adult, anumang sintomas ay dapat ikonsidera bilang isang problema na may kinalaman sa gamot hangga’t iba ang napatunayan. Kapag ang mga sintomas ay nakakasagabal sa pang-araw araw na paggana at kapag ang kaayusan ng pangyayari ng mga sintomas ay nagpapahwatig na ito ay sanhi ng isang gamot, sa gayon ay dapat sabihin agad sa propesyonal sa pangangalaga ng kalusugan.
Ang mga consumer at caregiver ay may parehong resposibilidad na ipahiwatig ang kanilang mga ikinababahala, mga inaasahan, at anumang kakulangan ng pag-uunawa sa therapy ng gamot, at pagpipilit na makakuha ng mga sagot sa kanilang mga tanong. Ang mga consumer ay dapat makapagpakita sa mga propesyonal sa pangangalaga ng kalusugan ng wasto at kumpletong impormasyon tungkol sa mga kondisyong pangkalusugan. Mahalaga para sa consumer na may mga bagong medikal na problema na ganap na ilarawan ang problema, ipahiwatig kung gaano katagal na ito naging problema, kung ang problema ay naranasan na dati, paano ito nagsimula, ano ang ginawa para maibsan ito, at ano ang gumana o hindi ‘gumana’. Para sa mga senior na may cognitive impairment, ang mga caregiver ay may mahalagang tungkulin na kilalanin ang mga pagbabago mga kondisyon ng kalusugan at mabisang ilarawan ang mga problema sa mga propesyonal sa pangangalaga ng kalusuga.
Mga Pinagkukuhanan ng Impormasyon at Tulong
Family Caregiver Alliance
National Center on Caregiving
(415) 434-3388 | (800) 445-8106
Website: www.caregiver.org
Mga mapagkukunan: https://www.caregiver.org/tagalog/
Email: info@caregiver.org
FCA CareNav: https://fca.cacrc.org/login
Services by State: www.caregiver.org/connecting-caregivers/services-by-state/
Hangad ng Family Caregiver Alliance (FCA) na mapahusay ang kalidad ng buhay para sa mga caregiver sa pamamagitan ng edukasyon, mga serbisyo, pananaliksik, at pagtatanggol. Sa pamamagitan ng National Center on Caregiving nito, ang FCA ay naghahandog ng impormasyon sa kasalukuyang social, pampublikong patakaran at mga isyu sa pag-aalaga, nagkakaloob ng tulong sa pagde-develop ng pampubliko at pribadong mga programa para sa mga caregiver. Para sa mga residente ng mas nakalalawak na San Francisco Bay Area, ang FCA ay nagkakaloob ng direktang serbisyo ng suporta sa mga pamilya para sa mga caregiver noong may mga Alzheimer’s disease, stroke, ALS, pinsala sa ulo, Parkinson’s disease, at iba pang nagpapahinang karamdaman sa utak na nararanasan ng mga adult.
Iba Pang Mga Organisasyon at Link
National Council on Patient Information and Education (NCPIE)
www.talkaboutrx.org
Isang koalisyon ng higit sa 130 mga organisasyon na may pananagutan para sa isang mas ligtas, mas mabisang paggamit ng gamot sa pamamagitan ng magandang komunikasyon at edukasyon sa consumer.
Peter Lamy Center for Drug Therapy and Aging, School of Pharmacy, University of Maryland
www.pharmacy.umaryland.edu/centers/lamy
Lumilikha ng mga programa at publikasyon kasama ang isang series na tinatawag na ElderCare Brochures na nilalayon na sagutin ang mga kahirapan at kaguluhan sa mga gamot at maramihang mga sakit.
The Senior Care Pharmacist
https://www.ascp.com/page/journal
Practical information about safe medication use for older persons, including a directory of senior care pharmacists across the country who specialize in geriatric drug therapy and the unique medication-related needs of older persons.
American Society of Consultant Pharmacists (ASCP) and the ASCP Research and Education Foundation
www.ascp.com at www.ascpfoundation.org
Ang ASCP ay nagtatrabaho para mapasulong ang pamamalakad ng senior care pharmacy. Ang mga miyembro nito ay namamahala sa therapy ng gamot at pinapahusay ang kalidad ng buhay para sa mga pasyente na namamalagi sa mga nursing facility, subacute care at assisted living facilities, psychiatric hospitals, hospice programs, at pangangalaga sa bahay at komunidad.
Para sa impormasyon sa coverage ng reseta sa Medicare, bumisita sa www.medicare.gov at www.medicarerights.org.
Ni Kathleen A. Cameron, R.Ph., M.P.H., at nirepaso ni Ron Finley, R.Ph. © 2016-2020 Family Caregiver Alliance. All rights reserved.