Vascular Dementia (Tagalog)
Ano ang Vascular Dementia?
Ang Vascular dementia ay isang medikal na termino na naglalarawan sa paghina ng mga kakayahang pangkaisipan kasama na ang memorya, pagplano, pangangatuwiran, at pagpapasya. Kapag nabawasan ang daloy ng dugo sa anumang parte ng utak, ito ay mabilis na napipinsala at mabagal na gumagaling, kung gumaling man. Ang napinsalang brain tissue ay nagdudulot ng mga sintomas sa dementia. Kapag ang mga sintomas ay malubha, humihina ang paggana sa araw-araw ng isang tao at maaaring maka-apekto sa kanilang kakayahan na mabuhay ng mag-isa at hindi umaasa sa iba. Kung ganoon ang kaso, ang mga caregiver ng pamilya ay maaaring mangailangan ng tulong para pamahalaan ang pag-aalaga sa kanilang mahal sa buhay.
Ang mga sintomas ng vascular dementia ay dahan-dahan o biglaang nag-uumpisa. Halimbawa, ang mga problema sa memorya at pag-iisip ay madalas na lumalabas agad makalipas na makaranas ng stroke ang isang pasyente. Gayunman, ang pagkakaroon ng stroke ay hindi nangangahulugan na ang tao ay may dementia: Ang kalubhaan ng stroke at lokasyon sa utak ay nagpapasya kung ang mga kakayahan sa pag-iisip ay lubos na naapektuhan. Sa kabilang dako, ang ilang mga indibiduwal ay makakaranas ng dahan-dahan at bahagyang mga pagbabago sanhi ng chronic na cerebrovascular disease (hal. mga kondisyon na nakaka-apekto sa blood vessels sa utak). Ang Vascular dementia ay madalas na nararanasan kasabay ng iba pang mga uri ng dementia, tulad ng Alzheimer’s disease o Dementia na may Lewy Bodies. Ang pagkakaroon rin ng vascular disease sa utak ay madalas na nagpapalala sa mga sintomas ng iba pang mga sakit sa utak.
Mga katotohanan
Ang vascular dementia ay ang ikalawang pinakakaraniwang sanhi ng dementia makalipas ang Alzheimer’s disease. Tinatantiya batay sa mga pangyayari na mula 10-20% ng lahat ng mga dementia ay nasa mga mas nakatatanda. Ang vascular dementia ay resulta ng nabawasang daloy ng dugo papunta sa utak sanhi ng may mga sakit na blood vessel. Para maging maayos ang kalagayan ng katawan at pati na rin ang paggana ng pagkilos, kailangan ng mga neuron ng sapat na oxygen, glucose, at iba pang mga nutrient na ipinagkakaloob ng dugo na hinahatid sa utak sa pamamagitan ng isang masikot na sistema ng mga vessel (ang vascular system). Kung ang vascular system na ito ay nakompromiso ng mahina o naharangang mga blood vessel, tapos ang daloy ng dugo ay hindi magiging sapat at ang mga brain cell at tissue ay makakapinsala at/o mamamatay.
Ang ilang mga sakit at kondisyon na nagpapakitid o nagdudulot ng pangmatagalang pinsala sa mga blood vessel ay maaaring magpalakas sa panganib ng taong magkaroon ng vascular dementia dahil maaaring humantong ito sa stroke o multiple subcortical infarcts (pagkamatay ng tissue sanhi ng di sapat na supply ng dugo). Ang mga kondisyong ito ay maaaring magresulta sa pagtanda, mga genetic na sanhi o mula sa iba’t ibang mga medikal na karamdaman na nag-aambag sa kasalukuyan nang nararamdamang cardiovascular na mga sakit. Kasama sa mga ito ang:
- mataas na presyon ng dugo
- paninigas ng mga artery (atherosclerosis)
- diabetes
- sleep apnea
- mataas na cholesterol
- obesity (lubusang pagkataba)
- paninigarilyo
- atrial fibrillation
- kakulangan ng pisikal na aktibidad o pagkilos at hindi magandang diyeta.
Mga Uri ng Vascular Dementia
Ang Vascular dementia ay mahahati sa dalawang uri: ang post-stroke dementia at multi-infarct dementia (kilala rin bilang subcortical vascular dementia).
POST-STROKE DEMENTIA
Ang mga sintomas ay halatang-halata kapag biglang nararanasan ang mga ito makalipas ang isang stroke, na nagreresulta sa biglang pagkakagambala ng daloy ng dugo patungo sa utak sanhi ng isang naharangang artery. Ang pagkakagambalang ito ay maaaring humantong sa pagkakapinsala o pagkamatay ng tissue sa utak. Hindi lahat ng mga nabiktima ng stroke ay nagkakaroon ng dementia; tinatantiya na humigit-kumulang sa 20% ng mga pasyenteng na-stroke ay nagkakaloob ng post-stroke dementia sa loob ng anim na buwan. Ang post-stroke dementia ay maaring magresulta sa mga sintomas sa katawan (halimbawa, paralysis o pagkahina ng limb o mga braso at binti) at / mga problema sa paningin o pananalita. Depende ang mga sintomas kung anong area at kung gaano kalaki ang parte ng utak ang naapektuhan.
MULTI-INFARCT DEMENTIA
Ang ganitong uri ng dementia ay nagreresulta mula sa sunod-sunod na mga munting stroke sa mga vessel na matatagpuan sa kaloob-looban ng utak (hal. subcortical). Ang mga munting stroke na ito ay maaaring di humantong sa anumang biglaang nahahalatang mga sintomas; gayunman, kahit na “nananahimik ang infarction sa utak” ay maaari pa rin mapalaki ang posibilidad ng dementia, isang resulta ng sakit sa mga blood vessel ng utak. Sa paglipas ng panahon, ang mga epekto ng pinsalang ito ay maaaring magresulta sa dementia. Ang pagsulong ay tinatawag na “step-wise” dahil ang mga sintomas ay lumalala pagkatapos ng anumang mga karagdagang munting stroke at tapos ay nananatiling walang pagbabago ng matagal. Ang mga sintomas na maaaring mabuo ay maaaring kabilang ang mga pagbabago sa pangangatuwiran at kakayahan na mag-isip tulad ng memorya, at pati na rin ang mga problema sa kalooban at pag-uugali, kasama na ang depression at apathy (kawalang-interes).
Mga Sintomas at Tagal ng Sakit
Ang mga sintomas ay magkakaiba depende kung anong parte at kung gaano kalaking bahagi ng utak ang naapektuhan, at maaaring makasabay ang iba pang uri ng dementia. Ang mga sintomas ay marahil na mas dahan-dahan at hindi masyado malubha sa multi-infarct kaysa sa post-stroke dementia. Halimbawa, sa multi-farct dementia, mapapansin ang dahan-dahan na paghina sa ilang mga aspekto ng pananalita at wika, habang pagkatapos agad ng isan stroke ay may biglaang pagbabago sa pananalita.
Ang vascular dementia ay karaniwang sumusulong, pero ang bilis at porma ng pangkaisipan na panghihina, ang pagbawal ng mga kakayahan sa pagkilos at pagbabago sa kalooban ay nag-iiba iba. Maaaring makaranas ang ilang mga indibiduwal ng kawalan ng memorya, habang ang iba naman ay maaaring magpakita ng pagbabago sa kalooban o pag-uugali.
Tulad ng lahat ng mga uri ng dementia, ang mga indibiduwal sa mga huling yugto ng kanilang sakit ay magpapakita ng pangkalahatang mga pangkaisipan na pagbabago at aasa sa iba para maalagaan. Ang mga karaniwang sintomas sa parehong post-stroke at multi-infarct na uri ng dementia ay kinabibilangan ng:
- pagkalito at kahirapan sa paglulutas ng mga problema
- kahirapan sa pagtutuon ng pansin at konsentrasyon
- mga kahirapan sa pag-aaral at memorya
- mahinang pagpaplano at pag-aayos ng mga bagay-bagay
- mga pagbabago sa kalooban na kinabibilangan ng kawalan ng interes sa mga regular na aktibidad
- kahirapang maisip ang tamang salita
- mga sintomas sa pagkilos tulad ng pagiging malamya at mahina o unsteady gait disturbance.
Maaaring mahirapan ang mga caregiver ng pamilya na malaman kung paano makakatulong kapag sobrang paiba-iba ang mga sintomas. Ang pagkakaroon ng wasto at malinaw na diagnosis (pagkikilala sa sakit) ay nagpapadali sa pagkakaloob ng pag-aalaga ngayon at sa hinaharap.
Pagsusuri at Diagnosis
Ang mga ikinababahala sa vascular dementia ay dapat sabihin sa isang manggagamot. Ang maagang pagkikilala sa sakit ay mahalaga, dahil nagbibigay-daan ito sa pagpapagamot, payo hinggil sa pagpaplano para sa hinaharap, at posibleng mga rekumendasyon sa mga pagbabago sa pamumuhay na maaaring magpabagal sa pagsulong ng nararanasan na sakit. Ang inirerekumendang mga pagbabago sa uri ng pamumuhay ay maaaring kinabibilangan ng mas mabuti sa kalusugang diyeta, pagiging pisikal na aktibo, paghinto sa paninigarilyo, at paghinto o pagbabawas sa pag-inom ng alak.
Ang depression ay madalas na kasabay ng vascular dementia at maaaring mag-ambag, o magpalala, sa mga vascular-based cognitive na mga sintomas. Ang mga medikal na kondisyon na maaaring magpakita ng mga sintomas na natutulad sa depression (lubos na kapaguran, madaling ma-irita, insomnia o di makatulog, huminang gana na kumain, pagkabalisa) sanhi ng vascular disease ay dapat unang alisin sa konsiderasyon.
Ang isang masusing medikal na eksaminasyon para sa vascular dementia ay maaaring makabilang ang iba’t ibang mga uri ng pagsusuri at pag-aaral. Ang manggagamot ay magsasagawa ng isang kumpletong medical history at marahil na mag-uutos ng mga pagsusuri sa dugo para maalis sa konsiderasyon ang mga hindi nababalik sa dating kalagayan na sanhi ng cognitive na paghina, tulad ng mababang Vitamin B12, o hypothyroidism. Madalas, ang mga indibiduwal ay isinasangguni sa isang neurologist para sa mas dalubhasang pagsusuri sa paggana ng pagkilos (motor functioning), at pati na rin ang reflexes, pandamdam, at gait (paraan ng paglalakad). Ang isang brain scan (hal. CT, MRI, MRA) ay madalas na inuutos sa yugto ng eksaminasyon para makilala kung mayroong mga stroke o sakit sa mga blood vessel.
Maaaring irekumenda rin ang ilang indibiduwal na kumuha ng isang carotoid ultrasound kung nababahala tungkol sa mga harang sa mga partikular na artery na ito. Ang rekumendasyon sa isang espesyalista para sa isang evaluation sa mga kakayahan sa pag-iisip tulad ng memorya at bilis ng pag-proseso ay karaniwan at isang mahalagang bahagi ng pagsusuri. Ang espesyalista na nakonsulta ay maaaring isang psychiatrist o neuropsychologist. Ang tungkulin ng independiyenteng pagsusuri ay mahalaga para malaman kung ang mga kahirapang pangkaisipan ay nakaka-apekto sa mga pang-araw araw na aktibidad na sapat para matiyak ang isang diagnosis ng dementia. Ang mga pasyente na may kahinaang pangkaisipan pero ganap pa ang pang-araw araw na paggana o pagkilos sa halip ay marahil na bibigyan ng isang diagnosis na Mild Cognitive Impairment (MCI).
Kung ang medikal na eksaminasyon ay nagpapahiwatig na ang tao ay may dementia o MCI sanhi ng isang vascular disease sa utak, ibibigay ang diagnosis at pag-uusapan ang tungkol sa mga susunod na hakbang.
Ang vascular dementia ay maaaring mahirap na mapagkaiba mula sa iba pang mga uri ng dementia dahil madalas na nagkakapatong-patong ang mga sintomas. At, maraming mga indibiduwal na may dementia ay may parehong vascular disease at iba pang sakit sa utak tulad ng Alzheimer’s o Lewy Body Dementia, at samakatuwid ay may “mixed dementia.” Ang mixed dementia ay maaaring di masyado madalas ma-diagose kaysa sa vascular dementia o Alzheimer’s disease, pero maraming mga mananaliksik ang naniniwala na medyo karaniwan at kailangan ng mas malaking pansin dahil ang pagkakaroon ng dalawa o higit pang mga uri ng kondisyon na may kaugnayan sa dementia ay marahil na may mas malubhang epekto sa utak at pagganang pangkaisipan kaysa sa isang uri lamang.
Paggagamot
Walang tiyak o naaprubahang paggagamot para sa vascular dementia. Ang nagkokontrol na mga medikal na kondisyon na nakaka-apekto sa cardiovascular na kalusugan ay inirerekumenda para maiwasan ang higit pang paghina. Halimbawa, ang mga gamot para makontrol ang presyon ng dugo, cholesterol, sakit sa puso, at diabester ay maaaring ireseta. Ang aspirin o ang iba pang mga gamot ay maaaring ireseta para maiwasan ang pamumuo ng mga clot sa mga blood vessel.
Ang isang indibiduwal na na-diagnose na may vascular dementia ay hinihikayat rin na magkaroon ng isang mabuti sa kalusugang paraan ng pamumuhay. Mahalaga ang isang diyeta na mayaman sa mga prutas at gulay, isda, at limitado ang taba at asin. Ang pag-ehersisyo at pag-iiwas sa paninigarilyo at alak ay maaaring makabawas sa panganib ng mga karagdagang stroke o vascular brain damage.
Iminumungkahi ng mga pananaliksik na ang mga gamot na kasalukuyang ginagamit para magamot ang Alzheimer’s disease ay maaaring mabisa, para sa ilan, sa pagagagamot ng mga sintomas ng vascular dementia. Ang mga gamot na ito ay maaaring mabagal ang pagsulong ng mga pangkaisipan na sintomas tulad ng paghina ng memorya, pero hindi nito malulunasan ang sakit o makakaiwas sa mga karagdagang paghina. Kabilang sa mga gamot na ito ang mga klase ng gamot na tinatawag na cholinesterase inhibitors at kasama ang donepezil (Aricept), rivastigmine (Exelon), at galantamine (Razadyne). Mahalagang makipagkonsulta sa isang physician tungkol sa pag-uumpisa sa mga gamot na ito, dahil may mga karaniwang side effect na kailangang talakayin at bantayan.
Pag-aalaga at Vascular Dementia
Maraming mga paraan para matulungan ang inyong kapamilya o kaibigan para lubusang gamitin ang kaniyang kakayahang mag-isa at maharap ang mga pangkaisipan na sintomas ng vascular dementia. Di tulad ng Alzheimer’s disease, ang mga indibiduwal na may vascular dementia ay maaaring mas makaalala sa mga bagay-bagay sa pang-araw araw nilang pamumuhay kapag paulit-ulit ang paggawa ng mga gawain at ipinapaliwanag ang mga dahilan sa kilos. Gayon din, ang mga simpleng hudyat ay maaaring makatulong sa isang taong makatanda kapag nahihirapan silang maka-alala. Ang mga nasaayos at maaasahang gawain ay maaaring makatulong. Ang mga assistive device at teknolohiya, tulad ng mga pill box o electronic na paalala sa telepono, ay maaaring makatulong rin.
Ang paghahati-hati ng mga nakakalito—at ngayon ay matuturing na nakakagulat—na gawin para gawing mas maliliit na kilos at mas madaling mga hakbang ay magpapadali sa pagkukumpleto ng mga gawain. Makakatulong rin na padaliin ang pagpapaliwanag at mga utos. Habang sumusulong ang sakit, kahit na ang mga gawin na natutunan ng ilang taon nang nakaraan, tulad ng pag-aahit o pagsisipilyo ng ngipin, ay maaaring mangailangan ng mga direksyon bawat hakbang.
Ang mga problema sa atensyon ay lalong nagpapahirap sa pagtutuon ng pansin at konsentrasyon para sa kapamilya mo. Ang pagtitiyak ng isang kapaligiran na hindi masyado magulo o maingat ay magpapadali sa pagbibigay sa iyo ng pansin. Lalong mahirap ang sabay-sabay na gawain. Ang mga indibiduwal na may vascular dementia ay maaaring mas madadalian sa pagkukumpleto ng mga gawain kapag nakatuon sila sa iisang gawain lang, sa halip na paghihiwa-hiwalay ng kanilang pansin sa maraming iba’t ibang mga gawain.
Ang mga pagbabago sa kalooban at personalidad ay maaaring makasabay sa mga pangkaisipan na pagbabago sa vascular dementia, at madalas, ang mga pagbabagong ito ay ang pinakamalaking sanhi ng kaguluhan ng pag-iisip para sa mga caregiver. Ang paghaharap sa mga pag-uugali na ito habang inuunawa na ang mga ito ay resulta ng mga pagbabago sa utak, na salungat sa pipiliin ng isang taong nasa mabuting kalagayan, ay makakatulong na gabayan kung ano ang pinakamabuting paraan para matugunan at mapamahalaan ang mga ito. Ang ilang mga partikular na payo ay kinabibilangan ng:
- Kilalanin ang mga posibleng dahilan sa pagbabago ng pag-uugali. Suriin ang situwasyon para malaman kung nagkaroon ng kaunting pag-uudyok sa pagbabago ng pag-uugali o ano ang unang nangyari bago maganap ang pagbabago sa ugali. Halimbawa, ikonsidera kung kailan, saan, at kanino, at ano ang hiniling na gawin mula sa taong may dementia. Maaaring mataguyod nito ang mas malalim na pag-uunawa sa kanilang pagtugon/reaksyon at matulungan ka na makilala ang mga paraan para mapakalma ang indibiduwal at mapakaunti ang mga paggagambala sa hinaharap. Tandaan na maaaring hindi masyado makayanan ng mga tao na maipakita ang kanilang kahirapan nang sapat kapag sila ay nakakaranas ng pananakit o di maayos ang pakiramdam. Madalas na itinuturing ng mga caregiver ang pag-uugali ng indibiduwal bilang indikasyon ng kaguluhan ng isip.
- Ang pagkokonsidera sa mga ikinababahala sa kaligtasan ay maaaring makapagbigay ng gabay sa inyong pagtutugon. Habang maraming mga pag-uugali ang maaaring nakakapagpagulo ng isip at nakakagambala sa mga caregiver, hindi nangangahulugan na nanganganib ang kaligtasan ng taong may vascular dementia. Bilang alternatibo, ang ilang mga pag-uugali ay posibleng mapanganib para sa indibiduwal na may vascular dementia at/o caregiver. Halimbawa, ang pagiging agresibo at biglang pagala-gala ay maaaring kailangan ng agad ng iyong pansin, tulad ng pagkakabit ng mga kandado sa pinto at pagbubuo ng isang plano sa kaligtasan. Ang mga nakaka-abala pero hindi mapanganib na mga pag-uugali, tulad ng paulit-ulit na pagtatanong o palakad-lakad, ay maaaring tumugon sa mas magaan na pamamaraan, tulad ng pagsasali sa ibang aktibidad para mabaling ang pansin sa ibang bagay.
- Ugaliin ang pagiging matiyaga, pagtanggap sa mga bagay-bagay at pag-angkop. Tandaan na ang mga pagsilakbo ng emosyon o damdamin at ang mga pagbabago sa personalidad ay sanhi ng nararanasan nang sakit sa utak at hindi isang kusang pagtugon o reaksyon sa iyo bilang caregiver. Kapag ang mga problema sa pag-uugali ay naging sobrang nakakapangibabaw sa pamilya, kritikal na humingi ng tulong. Ang mga support group para sa caregiver ay nakakatulong, na naghahandog ng espasyo para makapaglabas ng sama ng loob, pagkalumbat, at makakuha ng praktikal na payo mula sa iba na nakakaranas ng mga katulad na hamon sa pamumuhay. Ang pagtutuklas ng iba pang mga makapagbibigay ng kaunting pahinga, tulad ng mga adult day program, ay maaaring mapakinabangan rin, sa parehong indibduwal at para sa mga caregiver.
Mga Pinagkukuhanan ng Impormasyon at Tulong:
Family Caregiver Alliance
National Center on Caregiving
(415) 434-3388 | (800) 445-8106
Website: www.caregiver.org
Pagaaring yaman: www.caregiver.org/tagalog/
E-mail: info@caregiver.org
FCA CareNav: https://fca.cacrc.org/login
Services by State: https://www.caregiver.org/connecting-caregivers/services-by-state/
Hangad ng Family Caregiver Alliance (FCA) na mapahusay ang kalidad ng buhay para sa mga caregiver sa pamamagitan ng edukasyon, mga serbisyo, pananaliksik, at pagtatanggol. Sa pamamagitan ng National Center on Caregiving nito, ang FCA ay naghahandog ng impormasyon sa kasalukuyang panlipunan at pampublikong patakaran, at mga isyu sa pag-aalaga at nagbibigay ng tulong sa pagdedevelop ng pampubliko at pribadong mga programa para sa mga caregiver. Para sa mga residente ng greater San Francisco Bay Area, ang FCA ay nagkakaloob ng direktang mga serbisyo ng suportang pampamilya para sa mga caregiver ng mga taong may stroke, Alzheimer’s disease, ALS, pinsala sa utak, Parkinson’s disease, at iba pang nagpapahinang kondisyong pangkalusugan na tumatama sa mga adult.
Fact at Tip Sheet ng FCA
Isang listahan ng lahat ng mga fact at tip sheet ng FCA ang available online sa www.caregiver.org/tagalog.
Iba pang Mga Organisasyon at Mga Link
National Stroke Association
www.stroke.org
The National Stroke Association provides education, information and referral, and research on stroke for families, health care professionals, and others interested in or affected by stroke.
American Stroke Association
www.strokeassociation.org
Ang American Stroke Association ay nagbibigay ng impormasyon at mga sponsor program at support group sa buong bansa para mga nakaligtas mula sa stroke at ang mga miyembro ng pamilya nito.
American Heart Association
www.heart.org
Ang American Heart Association ay nagbibigay ng pampublikong edukasyon sa kalusugan sa mga miyembro ng komunidad, mga professional sa pangangalaga ng kalusugan, at sa mga mambabatas at gumagawa ng mga patakaran.
National Institute of Neurological Disorders and Stroke
www.ninds.nih.gov
Ang National Institute of Neurological Disorders and Stroke ay sumusuporta at nagsasagawa ng basic, translational at clinical neuroscience research sa pamamagitan ng mga grants in aid, mga kontrata, mga scientific na meeting, at sa pamamagitan ng research sa sarili nitong mga laboratoryo, at klinika.
Ang fact sheet na ito ay inihanda nina Deborah Cahn-Weiner, Ph.D., ABPP at Anneliese Radke, Psy.D. ng Uuniversity of California Davis Alzheimer’s Disease Center. © 2018 Family Caregiver Alliance. Naka-reserba ang lahat ng mga karapatan.